top of page
Search

ni Lolet Abania | January 25, 2021




Tinatayang nasa 38 na nakasalamuha ng 13 infected ng UK variant ng coronavirus ang nagpositibo sa test sa COVID-19, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes.


Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, sa 12 COVID-19 cases na nasa Bontoc, Mountain Province, 34 na naging close contacts ng mga ito ay nagpositibo sa test sa COVID-19. “Iyong isang taga-Bontoc, he tested negative [for COVID-19] upon arrival last December 13. December 14 nakauwi siya sa kanila.


Noong December 25, nagkaroon sila ng pagdiriwang dahil Pasko. Tapos December 26, they had a ritual as part of their beliefs. December 29 na siya nagkaroon ng sintomas,” sabi ni Vergeire.


Sinabi rin ni Vergeire na natukoy na ang 144 na naging close contacts at 116 sa mga ito ang nakapagpa-test para sa COVID-19. Dagdag pa rito, ang COVID-19 patient na mula sa La Trinidad, Benguet na infected din ng UK variant ng coronavirus ay nahawahan ang apat na iba pang miyembro ng kanyang pamilya.


Gayunman, limang barangay sa Bontoc ang kasalukuyang naka-lockdown at sumailalim na sa mahigpit na quarantine dahil sa panganib ng bagong coronavirus variant. Binanggit naman ni Bontoc Mayor Franklin Odsey na ang limang barangay na ito ay Tocucan, Bontoc Ili, Caluttit, Poblacion, at Samoki.


Matatandaang sinabi ni Vergeire na ang UK variant ng COVID-19 ay mas nakakahawa subali't hindi severe ang nagiging epekto nito.


Gayundin, nilinaw ng isang infectious disease expert ang tungkol sa bagong variant ng coronavirus na sinasabing mas nakamamatay. Aniya, ang mga data na lumabas ay patuloy pa nilang sinusuri at pinag-aaralan.


Ayon kay Dr. Edsel Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng UP National Institutes of Health, wala pang ebidensiyang nagsasabi na ang B.1.1.7 variant ay mas nakamamatay.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 13, 2021





Inirekomenda ng OCTA Research Group ngayong Miyerkules sa pamahalaan na palawigin pa ang 2 linggong travel restriction sa mga bansang nakapagtala ng bagong variant ng COVID-19.


Nitong Martes, nadagdag sa listahan ang bansang China, Pakistan, Jamaica, Luxembourg at Oman na epektibo lamang hanggang Biyernes. Ayon kay Guido David, miyembro ng OCTA Research Group, kinakailangang ipatupad ang mas pinahigpit na border control, monitoring at quarantine ng mga biyahero.


Aniya, "Nire-recommend talaga nating i-extend 'yan...Posibleng nakapasok na rito. Kung nakapasok na, posibleng hindi ganu'n karami 'yung cases natin ng bagong variant dahil baka nakontrol naman natin 'yung pagpasok."


Dagdag pa nito, kung hindi na palalawigin ang travel restriction ay malaki ang posibilidad na makapasok na sa bansa ang bagong variant ng virus at maaari pang lumaki ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Nauna nang ibinahagi ng Department of Health na wala pang naitatalang kaso ng bagong variant ng virus sa Pilipinas. Sinabi rin ni David na mababa pa ang kasong naitatala ngayon dahil halos 40% ng laboratories sa bansa ang nagsara nitong Christmas season.


"Slowly nakukuha na natin ang mga nag-positive during the holidays pero 'di pa siguro lahat-lahat. Ang nakikita nating average number niyan, almost 2,000 cases per day na naitatala natin," ani David. Inaasahan din na ang epekto ng pagdikit-dikit ng mga debotong dumalo sa Kapistahan ng Poong Nazareno ay maitatala sa susunod na linggo.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 11, 2021





Nadiskubre nitong Linggo sa Japan ang bagong variant ng COVID-19 sa apat na biyahero mula sa Amazona State Brazil, ayon sa Health Ministry ng Japan.


Magsasagawa na ng pag-aaral ang mga opisyal ng Japan upang malaman kung ekeptibo pa rin ang vaccine laban sa bagong variant na iba sa nadiskubre sa Britain at South Africa.


Ayon sa head ng National Institute of Infectious Diseases na si Takaji Wakita, "At the moment, there is no proof showing the new variant found in those from Brazil is high in infectiousness."


Samantala, ibinahagi naman ng Health Ministry ng Brazil na sinabihan na umano sila ng Japan na ang bagong variant ay may 12 mutation at ilan dito ang nadiskubre sa United Kingdom at South Africa.


Aniya, "It implies in a potential higher virus infectiousness." Sa apat na biyaherong dumating sa Haneda Airport sa Tokyo noong Enero 2, isang lalaki na nasa edad 40 ang nakararanas ng hirap sa paghinga, isang babae na nasa edad 30 ang nakararanas ng pananakit ng ulo at lalamunan at isang binata na nakararanas ng lagnat.


Ang isang pasaherong babae naman ay hindi nakitaan ng kahit anong sintomas. Sa ngayon ay sumailalim na sa quarantine ang lahat ng pasahero na dumating sa airport sa Tokyo.


Nitong Huwebes, isinailalim na sa state of emergency ang Tokyo at tatlo pang kalapit na lugar dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19. May kabuuang 289,000 kaso na ang naitala rito at 4,061 ang namatay dahil sa virus.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page