ni Lolet Abania | January 8, 2022
Ipinahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ngayong Sabado ang posibilidad na nai-upgrade o itaas ang quarantine status sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 4 habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sa isang interview, sinabi ni Duque na kinokonsidera na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) na itaas ang COVID-19 alert level sa Metro Manila dahil sa ang healthcare care utilization rate sa nasabing rehiyon ay malapit na sa moderate risk.
“Madali na lang ‘yan pumalo sa moderate risk, which means 50 to 70% utilization rate. Nasa 47 to 48% na tayo sa ngayon ‘yun sa ICUs (intensive care unit) natin sa NCR,” sabi ni Duque.
“Healthcare workers natin marami rin ang nagkakasakit,” dagdag pa ng kalihim.
Ayon kay Duque, sinisikap ng gobyerno na maiwasan ang ganitong sitwasyon, kung saan mayroong sapat na bed spaces sa mga ospital subalit hindi sapat ang mga healthcare workers dahil sa pagdami ng tinatamaan ng infections sa kanilang grupo.
“’Yun ang kinakatakutan natin. Pinaghahandaan natin ‘yan [kaya] hindi malayo ang NCR ipasya na mag-Alert Level 4,” ani Duque.
Samantala, ang Philippine National Police (PNP) ay naghahanda na para sa pagpapatupad ng mas mahigpit na measures sa ilalim ng Alert Level 4, sakaling ang kasalukuyang protocols ay mabigong mapigilan ang pagtaas pa ng COVID-19 cases, ayon kay PNP chief Police General Dionardo Carlos.
Sinabi ni Carlos na nagpe-prepare na ang pulisya para sa recalibration ng deployment at strategies na kanilang gagawin.
“We will take the cue from the NCR (National Capital Region) which has already implemented Alert Level 3 starting Monday, January 3.
So far, everything is working smoothly. We instructed our police personnel to be fully aware of the guidelines,” pahayag ni Carlos.