ni Jasmin Joy Evangelista | February 23, 2022
Napagkasunduan na ng Metro Manila mayors na irekomenda ang pagbaba sa Alert Level 1 ng NCR simula March 1, 2022, ayon kay Metro Manila Council chairperson Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.
“Downgrade to Alert Level 1 starting March 1,” ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa text message sa mga miyembro ng media nang tanungin hinggil sa rekomendasyon ng council matapos ang ginanap na pagpupulong nitong Martes ng gabi.
Sa ilalim ng Alert Level 1, ang intrazonal at interzonal travel ay papayagan para sa lahat. Lahat ng establisimyento, indibidwal , o mga aktibidad, ay pinapayagang mag-operate, magtrabaho, at magsagawa ng full on-site venue/seating capacity basta sumusunod sa minimum public health standards.
Sa isang panayam nitong Martes, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer-in-charge at general manager Romando Artes na ang mga local government units (LGUs) sa NCR ay handa nang mag-shift sa Alert Level 1.
Matagumpay din umanong naipatupad ng NCR ang mga COVID-19 response programs.
Nito ring Martes, sinabi ng independent monitoring group na OCTA Research na bumaba na ng 4.9% ang positivity rate sa NCR, mas mababa sa recommended 5% ng World Health Organization.
Ayon sa OCTA, ito ang unang pagkakataon na bumaba sa 5% ang positivity rate sa NCR simula December 26, 2021.
Nanatili rin ang NCR sa "low risk" classification for COVID-19 na may average daily attack rate (ADAR) na 2.85 at may reproduction number na 2.85.