ni Mary Gutierrez Almirañez | May 18, 2021
Nagbabala sa mas mahigpit na lockdown si Pangulong Rodrigo Duterte kapag tumaas muli ang kaso ng COVID-19 sa bansa, batay sa kanyang public briefing ngayong umaga, May 18.
Aniya, "Under other circumstances, sabihin ko, ayaw ko. But these things are for your own good and if you, hindi n'yo (kayo) sumusunod and may resurgence naman, tapos the new variants, mapipilitan talaga akong mag-impose ng lockdown, maybe stricter this time because hindi natin alam anong variant 'yan.”
Dagdag pa niya, "Ang pag-asa natin is really the obedience, parang boy scout. You want to end the danger of COVID-19 engulfing this country. Kapag hindi, mapipilitan talaga ako na to impose lockdowns and everything."
Sa ngayon ay bumababa na ang kaso ng COVID-19, partikular na sa NCR Plus na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Laguna at Rizal na noo’y naging sentro ng pandemya sa bansa.
Ayon pa kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, “2-week COVID-19 growth rate in NCR went down from negative 39 percent to negative 46 percent from May 2 to 15. Ibig sabihin nito, bumabagal na 'yung pagdagdag o paglaki ng kaso.”
Batay din sa huling datos ng DOH, tinatayang 54,235 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 1,076,428 ang mga gumaling, at 19,262 ang mga pumanaw, mula sa 1,149,925 na kabuuang bilang na naitala.