ni Mary Gutierrez Almirañez | April 5, 2021
Limampung residente ang nahuling lumalangoy at naglalaro sa Bacoor Bay, Cavite simula nitong Sabado at Linggo, batay sa isinagawang pagpapatrolya ng Bacoor City Agriculture Office-Deputy Fish Warden (DFW) at ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa ulat, dinampot ang 40 na menor de edad at 10 nasa tamang gulang na mga nahuli mula sa iba’t ibang bahagi ng Bacoor Bay. Ang ilan ay dinala sa Barangay Zapote 5, Zapote 1 at Digman upang ipaubaya sa mga opisyal ang pagdidisiplina sa kanila.
Paliwanag pa ni Joshua Villaluz ng Agricultural Technologist-Fishery law enforcement Agriculture Office, balak lamang sana nilang mag-abiso sa mga residente na iwasang maligo sa dagat habang naka-lockdown, ngunit ikinagulat nila nang makita ang mga naliligo at naglalaro na karamihan ay walang suot na face mask at magkakadikit pa.
Kabilang ang Cavite sa NCR Plus Bubble na kasalukuyang isinasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa mataas na kaso ng COVID-19, kung saan tanging mga mangingisda lamang ang pinapayagang bumiyahe sa dagat.