ni GA - @Sports | May 1, 2022
Mag-aagawan sa 3rd spot sa Final 4 ang San Beda Red Lions at DLSU St. Benilde Blazers sa unang laro, habang pilit na maglalaglagan ang Perpetual Altas at Arellano Chiefs sa pagsisimula ng play-in round ngayong araw ng 97th NCAA men’s basketball tournament “Stronger Together, Buo ang Puso” sa Fil-Oil Flying V-Centre sa San Juan City.
Muling maghaharap ang Red Lions at Altas na nagtapat noong elimination round na pumabor sa Mendiola-based squad sa first game sa 12:00 n.t. para sa karapatang masungkit ang ikatlong silya sa Final 4 katapat ang No.2 at may twice-to-beat advantage na Mapua Cardinals.
Ang sinumang koponan na mabibigo sa pagitan ng San Beda at CSB ay makakalaban ng magwawagi sa main game battle ng Perpetual at Arellano na magsasagupa sa 3 p.m.
Tinalo ng Red Lions ang Blazers noong Abril 26 nang matakasan ito sa bisa ng 67-63 nang bumuhos ng 13pts si Filipino-Canadian James Kwekuteye na nagsagawa ng balanseng atake sa bench scoring na may 43 puntos, kung saan nakilala ang bagong pausbong na si Jacob Cortez na gumawa ng 7 puntos at ilang mahahalagang off-ball na galaw, gayundin kina JV Gallego, JB Bahio Ralph Penuela, Winston Ynot, Yukien Andrada at Peter Alfaro.
Kinakailangang magdoble-kayod ni Gozum na may 10 puntos na produksiyon ngunit humablot ng 13 boards, habang sasandal muli sa iskoring nina Robi Nayve, AJ Benson, Prince Carlos, Ladis Lepalam at Miggy Corteza.
Tiyak na hindi susuko si Justin Arana na paniguradong babanat muli ng double-double figures kasunod ng career-high 29 rebounds kasama ang 18pts kontra sa napatalsik nang JRU Bombers, habang sasaklolo sina Kalen Doromal, Raymart Sablan, Jordan Sta. Ana, Stefan Steinl at Art Oliva.
Mga laro ngayong araw (Linggo) Fil-Oil Flying-V Centre, San Juan City: 12:00 n.t. – San Beda Red Lions vs. College of St. Benilde Blazers: 3:00 n.h. – Arellano University Chiefs vs. University of Perpetual Help Altas.