ni Lolet Abania | February 1, 2022
Arestado ang apat na indibidwal ng National Bureau of Investigation (NBI) na mula sa Central Luzon matapos makuhanan ng counterfeit banknotes o pekeng pera.
Kinilala ni NBI officer-in-charge Eric Distor, ang mga inarestong suspek na sina Joeylyn Castro, Virgilio Yalung, Zenia Andres at Marilyn Lucero.
Sa report ng NBI, ikinasa ng mga law enforcers ang isang operasyon laban sa mga suspek matapos na makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa palitan umano ng pekeng banknotes.
“A group of individuals were about to proceed to a money changer in Angeles City to exchange the counterfeit US dollars into Philippine pesos,” sabi ng NBI.
Ayon sa NBI, naaresto ng mga awtoridad sina Castro at Yalung sa Angeles City, makaraang tangkain ng mga ito na ipalit ang kanilang pekeng US dollars sa isang money changer.
Inginuso naman nina Castro at Yalung, ang source ng kanilang pekeng pera, kaya agad nagsagawa ang mga operatiba ng follow-up operation sa Bamban, Tarlac, kung saan nadakip sina Andres at Lucero, batay sa ulat ng bureau.
Nakumpiska kina Castro at Yalung ang 78 piraso ng pekeng US$100 bills, habang 78 piraso ng pekeng US dollar bills at 2 bundle ng pekeng P1,000 ang nakuha kina Andres at Lucero.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong illegal possession and use of false bank notes, ayon sa NBI.