ni Madel Moratillo | May 18, 2023
Nahaharap na ngayon sa patung-patong na reklamo sa Department of Justice si suspended Cong. Arnolfo Teves, Jr., kaugnay ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ang reklamo ay inihain ng National Bureau of Investigation sa pangunguna mismo ni Director Medardo De Lemos.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, bukod sa murder ay sinampahan din ng mga reklamong attempted murder at frustrated murder si Teves.
Dahil naisampa na ang reklamo laban kay Teves, puwede na siyang ipa-subpoena ng DOJ na nagsasagawa ng preliminary investigation sa mga reklamo kaugnay ng pagpatay kay Degamo.
Ayon kay Remulla, kinakailangan na personal na panumpaan ni Teves ang kanyng kontra salaysay.
Kung hindi aniya ito uuwi, isasampa sa korte ang kaso laban sa kanya.
Una rito, sinabi ni Remulla na uuwi sa bansa si Teves kahapon, pero sa panayam kay Teves sa radyo sinabi niyang fake news ito.