ni Mylene Alfonso @News | July 8, 2023
Humingi ng paumanhin si National Bureau of Investigation (NBI) Director Medardo De Lemos kaugnay sa nag-viral na sexy dancing sa ginanap na command conference ng ahensya noong Hunyo 30.
"Una sa lahat humihingi kami ng paumanhin dahil hindi namin intensyon makasakit ng damdamin ng ating kababaihan. Kung naging offensive man ang pagsasayaw na ito noong June 30 after ng command conference sa sensibilities ng ating mga mamamayan lalo na ating kababaihan, humihingi po kami ng paumanhin," pahayag ni De Lemos.
Ipinaliwanag ni De Lemos na noong araw na 'yun ay tapos na umano ang command conference at mayroong fellowship para magkaroon ng bonding ang kanilang mga regional officers at mga national officers dito sa Manila.
Sinabi ni De Lemos na wala siya noong nangyari ‘yung sayawan at dumating siya alas-5:30 ng hapon noong magsisimula na ang fellowship at maaga umano siyang umalis.
Kaugnay nito, tiniyak ni De Lemos na pinaiimbestigahan na niya ang sexy dancing para malaman kung sino ang nag-imbita, nagdala ng dancer at kung sino ang nagpahintulot na mag-perform sila sa NBI socials.
Aalamin din niya kung sino ang dapat managot sa naturang pagkakamali.
"Nais namin i-emphasize, we would like to stress we will never tolerate indecency in the agency. Kung nandoon ako malamang napahinto natin ‘yung sumayaw na ito,” dagdag pa ng opisyal.
Alinsunod sa Civil Service rules at ng opisina papatawan umano ng parusa ang may pakana nito.
Tiniyak din ni De Lemos na hindi na ito mauulit kung saan nadamay ang buong ahensya sa pagkakamali.