ni Angela Fernando - Trainee @News | November 7, 2023
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang leader ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na si Jey Rence Quilario a.k.a. Senior Agila, kasama ang iba pang mga opisyal ng grupo dahil sa alegasyon ng human trafficking.
Naganap ang pag-aresto sa labas ng gusali ng Senado matapos ang pagdinig ng mga Komite sa Public Order and Dangerous Drugs at Women, Children, Family Relations, at Gender Equality.
Matatandaang kinumpirma ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa na pinadalhan ng warrant of arrest si Senior Agila ng isang regional trial court sa Dapa, Surigao del Norte, gayundin ang iba pang mga opisyal ng SBSI.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), ang mga prosecutor ay naghain ng mga kasong kriminal laban kay Quilario at 12 iba pang kaso sa isang Regional Trial Court (RTC) sa Surigao del Norte.
Dagdag ng DOJ, ang mga kasong kinakaharap nina Agila ay trafficking in persons, facilitation of child marriage, solemnization of child marriage, at child abuse.
Ito ay matapos mabigyang-linaw sa Senate hearing nu'ng Setyembre sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros ang mga katiwaliang nangyayari sa loob ng sinasabing kulto ng SBSI.