ni Anthony E. Servinio @Sports | June 19, 2024
Itaas ang ika-18 kampeonato ng Boston Celtics! Nanigurado ang makasaysayang prangkisa at tinambakan ang desperadong bisitang Dallas Mavericks, 106-88, at wakasan ang 2024 NBA Finals sa limang laro, 4-1, kahapon mula sa maingay na TD Garden.
Ipinasok ni Jrue Holiday ang unang anim na puntos na sinundan ng three-points ni Al Horford para humataw agad ang Celtics, 9-2, at hindi na nila pinatikim ng bentahe ang Mavs. Mula roon ay nagtrabaho na sina Jaylen Brown at Jayson Tatum para sa 31 puntos at tinuldukan ni Payton Pritchard sa milagrong tira mula 50 talampakan ang first half, 67-46.
Lumobo ang agwat sa 78-52 sa mga puntos nina Horford at Holiday at third quarter ay natatanaw na ang magiging resulta. Bago sumapit ang last 2 minutes ay sumuko na ang Dallas at pinaupo na sina Luka Doncic at Kyrie Irving sa gitna ng 106-85 lamang ng Boston.
Bumuhos ng 21 puntos si Brown at itinanghal na Finals MVP. Nanguna si Tatum na may 31 puntos at 11 assist habang nag-ambag ng 15 si Holiday at 14 kay Derrick White.
Nagtala ng 28 at 12 rebound si Luka at sinundan ni Irving na may 15. Ipinasok ni Josh Green ang lahat ng kanyang 14 sa huling quarter. Nagising ang Celtics mula sa 84-122 talo sa Game 4 at naiwasan ng Mavs na mawalis. Bago noon ay umarangkada sila sa unang tatlong laro, 107-89, 105-88 at 106-99.
Iniwan nila ang dating katablang Los Angeles Lakers na may 17 kampeonato. Ang ibang tropeo ng Celtics ay nakamit noong 1957, 1959 hanggang 1966, 1968, 1969, 1974, 1976, 1981, 1984, 1986 at 2008.
Para kay Brown, Tatum, White, Pritchard, Horford, Sam Hauser at Luke Kornet, nakabawi sila mula pagkatalo sa Golden State Warriors noong 2022. Ito rin ang unang kampeonato ni Horford sa kanyang ika-17 taon sa NBA habang sinundan ni Holiday sa kanyang unang taon sa Boston ang singsing niya sa Milwaukee Bucks noong 2021.