ni Anthony E. Servinio @Sports | June 10, 2023
Kung trending ang pag-uusapan ngayong 2023 NBA finals, pabor na pabor ito para sa bisitang Denver Nuggets papasok sa Game 4 ngayong araw taglay ang 2-1 lamang sa seryeng best-of-seven. Subalit nais baligtarin ito ng Miami Heat at patunayan na pinapanalo ang laro sa sahig ng Kaseya Center at hindi sa pirasong papel.
Ang 109-94 panalo ng Denver sa Game 3 noong Huwebes ang pang-apat na sunod na tagumpay nila bilang bisita na nagsimula noong Game 6 ng West Semis laban sa Phoenix Suns at ang Game 3 at 4 ng West Finals kontra sa Los Angeles Lakers.
Samantala, bumagsak ang Heat sa kanilang tahanan sa ikatlong sunod kasama ang kambal na talo sa Game 4 at 6 ng East Finals laban sa Boston Celtics.
Peligro para sa Miami na lumubog lalo sa serye. Sa NBA Finals, isang beses pa lang nangyari na nakahabol ang isang koponan mula sa 1-3 na Cleveland Cavaliers na binigo ang Golden State Warriors noong 2016.
Pangunahin pa rin para kay kabayan Coach Erik Spoelstra ang mag-isip ng paraan upang mabantayan sina Nikola Jokic at Jamal Murray na parehong nagtala ng triple double sa Game Three. Kailangan din bumawi ni point guard Gabe Vincent mula sa maalat na laro at samahan sina Jimmy Butler at Bam Adebayo sa paglikha ng puntos.
Depensa rin ang bubuhay sa Denver at ang hamon ni Coach Michael Malone ay huwag paabutin sa 100 puntos ang Miami gaya ng mga tagumpay nila noong Game 1 at 3.
Naglabas ng sorpresa ang Nuggets sa katauhan ni rookie Christian Braun na nagbagsak ng 15 puntos matapos magtala ng anim lang sa unang dalawang laro.