ni Anthony E. Servinio @Sports | June 15, 2023
Patuloy pa rin ang selebrasyon ng Denver Nuggets ng kanilang unang kampeonato sa NBA at ngayon pa lang ay laman ng usapan ang pagtatag ng bagong dinastiya sa liga.
Ang kanilang kapalaran ay nakasalalay sa tambalan nina Finals MVP Nikola Jokic at Jamal Murray at mga kakamping wala pang 30-anyos.
Sinong mag-aakala na isang hindi kilalang manlalaro galing Serbia na pinili sa ika-41 puwesto sa 2014 Rookie Draft ay tuluyang magiging isa sa pinakamahusay ng kanyang henerasyon. Hindi naglaro agad sa NBA si Jokic at nagpahinog ng isa pang taon sa Europa bago pumirma ng kontrata noong 2015.
Inspirasyon ang pagbangon ni Murray mula sa malubhang pilay sa tuhod, dahilan ng kanyang pagkawala ng mahigit 18 buwan at bumalik lang noong nakaraang Oktubre. Parang walang nangyari at nagtala siya ng 20.0 puntos bawat laro kumpara sa 21.2 bago mapilay.
Sa edad na 28, lumalabas na kuya si Jokic sa mga kakamping sina Aaron Gordon (27), Bruce Brown (26), Murray (26) at Michael Porter Jr. (24). Sa kabilang banda, ang kampeonato ay nararapat na gantimpala para sa mga beteranong sina Jeff Green (36), Ish Smith (34) at DeAndre Jordan (34) na nasa takip-silim na ng kanilang mga karera.
Nasundan ni Coach Michael Malone ang yapak ng kanyang ama Coach Brendan Malone na assistant coach sa dalawang kampeonato ng Detroit Pistons noong 1989 at 1990.
Magpapahinga saglit ang mga bituin ng NBA bago katawanin ang kanilang mga bansa sa 2023 FIBA World Cup ngayong Agosto sa Pilipinas, Japan at Indonesia. Susubukan nina Jokic ng Serbia, Murray ng Canada, Vlatko Cancar ng Slovenia, Reggie Jackson ng Italya at Jack White ng Australia na dagdagan ng isa pang tropeo ang kanilang koleksiyon.