ni Anthony E. Servinio @Sports | June 13, 2024
Laro ngayong Huwebes – American Airlines Center
8:30 AM Boston vs. Dallas
Hindi na kailangang lumayo ng Dallas Mavericks upang makahanap ng paraan na umahon mula sa 0-2 butas nila sa 2024 NBA Finals laban sa rumaragasang Boston Celtics. Nagawa na ito ng beteranong gwardiya Kyrie Irving at mahalaga ang papel na gagampanan niya sa Game 3 ng seryeng best-of-seven ngayong araw sa American Airlines Center simula 8:30 a.m.
Noong 2016 Finals si Irving at koponan noon na Cleveland Cavaliers ay nabigo sa unang dalawang laro kontra Golden State Warriors. Naiwasan ng Cavs na mawalis sa Game 3 at kahit nadapa sa Game 4 ay nagawang kunin ang sunod na tatlo na tinuldukan ng Game 7 sa Oracle Arena para sa nag-iisang kampeonato ng prangkisa.
Susubukan na ni Irving na maulit ang milagrong ginawa sa Mavs na umaasa na ang paglaro sa tahanan ay makakatulong ng malaki. Kahit umaapoy si Luka Doncic ng 31.0 puntos at 10.5 rebound sa serye, nalimitahan si Irving sa 14.5 puntos lang kaya dapat dagdagan ito.
Sa panig ng Celtics na nasa gitna ng siyam na sunod-sunod na panalo mula pa noong Mayo, ang pagtayo ng 3-0 bentahe ay halos katiyakan na at walang koponan sa NBA ang nakakabalik mula sa ganoong kalaking pagkalugmok. Perpekto pa rin sila ngayong playoffs at wala pang talo sa anim na laro bilang bisita.
Limang Boston ang nagsusumite ng mahigit 10 puntos bawat laro na sina Jaylen Brown (21.5), Jrue Holiday (19.0), Jayson Tatum (17.0), Derrick White (16.5) at Kristaps Porzingis (16.0). Malaking tanong kung makakalaro si Porzingis matapos mapilay ang binti sa 3rd quarter ng Game 2.
Wala itong kinalaman sa nauna niyang pilay noong Game 4 ng serye kontra Miami Heat noong Abril. Dahil dito, mahigit isang buwan siyang lumiban at naglaro muli noong Game 1 laban sa Mavs.