ni Anthony E. Servinio @Sports | June 28, 2024
Sa ikalawang sunod na taon, isang Pranses – Zaccharie Risacher – ang napiling pangkalahatang numero uno sa NBA Draft. Tinawag ng Atlanta Hawks ang pangalan ng 19 anyos na 6’9” forward sa seremonya kahapon sa Barclays Center.
Ginulat ng Hawks ang lahat at hindi nila ikinuha ang isa pang Pranses Alex Sarr na mas binabanggit ng mga dalubhasa sa mga araw papalapit ang draft. Agad napunta ang 19-anyos na 7’0” sentro sa Washington Wizards na pangalawang pumili.
“Mas kumpletong manlalaro si Zaccharie,” paliwanag ni Coach Ariel Vanguardia na magsisilbing bahagi ng coaching staff ng Hawks sa Las Vegas Summer League ngayong Hulyo. Ngayon pa lang ay inaabangan ni Coach Vanguardia ang pagkakataon na makatrabaho ang baguhan.
Si 6’3” shooter Reed Sheppard ang unang Amerikano na kinuha sa #3 ng Houston Rockets. Sumunod sa #4 ang isa pang guwardiya 6’6” Stephon Castle ng San Antonio Spurs habang #5 si 6’8” forward Ron Holland ay napunta sa Detroit Pistons.
Maliban kay Risacher at Sarr, dalawa pa nilang kababayan na sina 6’9” forward Tidjane Salaun ay napunta sa Charlotte Hornets sa #6 at 6’8” guwardiya Pacome Dadiet sa New York Knicks sa #25. Si Risacher ay sumunod sa kababayang Victor Wembanyama na piniling numero uno ng Spurs noong 2023.
Winakasan ng Los Angeles Lakers ang haka-haka ng marami at pinili si 6’5” gwardiya Dalton Knecht sa #17. Malakas ang usapan na kukunin ng Lakers si Bronny James na anak ng kanilang superstar LeBron James subalit may pagkakataon pa sila sa Round 2 ngayong araw.
Kamakailan ay ipinakilala ng Lakers si JJ Redick bilang kanilang bagong coach kapalit ni Darvin Ham. Si Coach Redick ay naglaro sa NBA mula 2006 hanggang 2021 para sa Orlando, Milwaukee, LA Clippers, Philadelphia, New Orleans at Dallas at matapos magretiro ay naging komentarista sa telebisyon subalit walang karanasan sa pagiging coach.