ni Anthony E. Servinio @Sports | February 26, 2023
Kumulekta ng isa pang panalo ang nagraragasang Milwaukee Bucks sa bisitang Miami Heat, 128-99, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa Fiserv Forum. Tila may hatid na malas ang ika-13 sunod ng Bucks at napilayan muli sa All-Star Giannis Antetokounmpo sa tuhod.
Naglaro si Giannis na may pilay sa pulso at nadagdagan ito matapos bumangga ang kanyang tuhod sa tuhod ng isang Heat anim na minuto pa lang ang lumilipas sa laro. Lamang ang Bucks, 22-16, at nagpasya na huwag na siya bumalik at nagtrabaho ng husto ang mga kakampi.
Namuno si All-Star Jrue Holiday na may 24 puntos patungo sa kartadang 42-17 at pangalawa sa Eastern Conference. Tinakpan ni Bobby Portis ang nawalang numero ni Giannis at nag-ambag ng 18 puntos at 11 rebound bilang kanyang kapalit.
Nagpasikat ang isa pang All-Star Julius Randle at nagtala ng 46 puntos upang buhatin ang New York Knicks kontra sa Washington Wizards, 115-109. Pumukol din si Randle ng pitong tres upang makabawi sa kanyang malamyang laro noong Starry 3-Point Contest.
Patuloy ang pagpapatunay ni Trae Young na dapat ay isinama siya sa nakaraang All-Star at bumuhos ng 34 puntos sa 136-119 tagumpay sa Cleveland Cavaliers.
Pansamantalang ginabayan ang Hawks ni assistant coach Joe Prunty matapos masisante si Coach Nate McMillan bago ang All-Star.
Sa ibang laro, tinambakan ng Chicago Bulls ang Brooklyn Nets, 131-87, sa likod ng 32 puntos ni Zach LaVine. Pumulot din ng tagumpay ang Charlotte Hornets sa Minnesota Timberwolves, 121-113, salamat kay LaMelo Ball na gumawa ng 32 puntos at 10 rebound.