ni Anthony E. Servinio @Sports | February 21, 2023
Tinapos ni Giannis Antetokounmpo sa tulong ni Jayson Tatum ang perpektong kartada ni LeBron James at nanaig ang Team Giannis sa Team LeBron, 184-175, sa NBA All-Star Game kahapon sa Vivint Arena. Si Tatum ang pinakamaliwanag sa lahat ng bituin at nagtala ng bagong marka na 55 puntos patungo sa Kobe Bryant Trophy para sa Kia All-Star Most Valuable Player.
Hawak ng Team Giannis ang 99-92 lamang sa simula sa third quarter at iyan ang hudyat para kay Tatum na magsabog ng 27 puntos na hinigitan ang dating marka na 21 sa isang quarter ni Stephen Curry noong 2022. Lumobo ang kanilang agwat sa 158-141 at fourth quarter ay naging unahan na makaabot ng 182 puntos.
Hindi pa tapos si Tatum at nagdagdag ng walong puntos para sa 181-170 iskor at wasakin ang dating marka na 52 ni Anthony Davis noong 2017. Pilit ipinasa ang bola kay Tatum para tuldukan ang laro pero napunta ang karangalan kay Damian Lillard na bumomba ng malayong tres para sa huling talaan.
Nagpasikat din si Donovan Mitchell sa kanyang 40 puntos habang 26 si Lillard. Nanguna sa Team LeBron sina Jaylen Brown na may 35 at Joel Embiid at Kyrie Irving na parehong nagtala ng 32 puntos.
Dahil pilay ang pulso, naglaro lang ng 20 segundo si Giannis at umupo agad matapos mag-dunk, 2-0. Mula roon ay pinanood niya ang mga kakampi na ihatid ang kanyang unang tagumpay bilang kapitan matapos mabigo kay LBJ noong 2019 at 2020.
Hindi rin tumagal si James at lumabas na may limang minuto pa sa second quarter dahil nasaktan ang kanang kamay. Gumawa lang ng 13 puntos si LBJ at tapos na ang kanyang limang panalo sa All-Star mula 2018 hanggang 2022.
Sa oras ng laro mismo nalaman kung sino ang mga magiging magkakampi matapos isa-isang tawagin ng mga kapitan ang mga napiling pangalan. Ang 2024 All-Star ay gaganapin sa Indianapolis, Indiana.