ni Anthony E. Servinio @Sports | June 7, 2024
Laro ngayong Biyernes – TD Garden
8:30 AM Dallas vs. Boston
Papasok na mabigat na paborito ang Boston Celtics laban sa bisitang Dallas Mavericks sa Game One ng 2024 NBA Finals best-of-seven ngayong araw sa TD Garden simula 8:30 ng umaga. Hahanapin ng Boston ang ika-18 kampeonato sa kanilang mayamang kasaysayan at una mula pa ang huli noong 2008.
Nakatutok ang pansin sa mga tambalang bituin Jayson Tatum at Jaylen Brown ng Celtics at Luka Doncic at Kyrie Irving ng Mavs. Sa apat, tanging si Irving lang ang may kampeonato noong 2016 para sa Cleveland Cavaliers.
Nakapaglaro rin si Irving sa Celtics mula 2017 hanggang 2019 kung saan nagsilbi siyang kuya sa mga noon ay mga baguhang sina Tatum at Brown. Ngayon, ang hindi niya naihatid na tropeo sa Boston ay dadalhin sa Dallas na ang nag-iisang kampeonato ay natamasa noong 2011 kung saan manlalaro pa nila ang kasalukuyang Coach Jason Kidd.
Napipisil na mabubura ng mga superstar ang bawat isa. Malaki ang ambag na puntos ngayong playoffs nina Tatum (26.0) at Brown (25.0) at Doncic (28.8) at Irving (22.8) kaya lilipat ang laban sa pagalingan ng iba pang kakampi.
Mahalaga na umangat para sa Celtics sina Derrick White, Jrue Holiday at ang babalik na galing sa lampas isang buwan na pilay na si Kristaps Porzingis. Kokontrahin ito nina PJ Washington, Derrick Jones Jr. at Daniel Gafford.
Ngayong playoffs, 6-2 ang kartada ng Celtics sa kanilang tahanan patungo sa pagbura sa Miami Heat, Cleveland Cavaliers at Indiana Pacers. Ang Mavs ay 7-2 kapag sila ang bisita, malaking dahilan kaya ginulat nila ang mga mas mataas na kalaro LA Clippers, Oklahoma City Thunder at Minnesota Timberwolves.
Ang Game 2 ay nakatakda sa Lunes sa Boston pa rin. Lilipat ang serye sa American Airlines Center sa Dallas para sa Game 3 sa Hunyo 13 at Game Four sa 15.