ni Lolet Abania | April 28, 2021
Nagpositibo sa test sa COVID-19 si Navotas City Representative John Rey Tiangco. Sa isang Facebook post, sinabi ni Tiangco na base ito sa isang antigen test na isinagawa sa kanya, subalit sasailalim pa rin siya sa RT-PCR test.
“Para po sa inyong kaalaman, base sa antigen test ko ngayong gabi (kagabi), ako ay nagpositibo sa COVID-19. Bukas po ay magpapa-RT-PCR test po ako,” ani Tiangco.
Agad na sumailalim sa isolation si Tiangco habang aniya, maayos naman ang kanyang pakiramdam. Matatandaang ngayong buwan, inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na ang mga antigen test results ay isasama na sa official tally ng COVID-19 cases sa NCR Plus bilang bahagi ng programa ng gobyerno laban sa coronavirus.
Pinayuhan naman ni Tiangco ang lahat ng kanyang mga naging direct contact na sumailalim din sa test sa COVID-19. “Sa akin pong mga nakasalamuha, mainam po kung kayo ay magpa-swab test para na rin sa inyong kaligtasan.
Libre po ang RT-PCR swab test natin kaya makipag-ugnayan lamang po sa inyong barangay o health center,” sabi ni Tiangco.