top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 21, 2021




Niyanig ng magnitude 7.2 na lindol ang northeastern Japan noong Sabado at itinaas ang tsunami warning.


Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), alas-6:09 PM nang tumama ang lindol sa Pacific waters sa Miyagi region na may lalim na 60 kilometers (37 miles).


Wala namang naiulat na pinsala sa Miyagi Prefecture at sinusuri na rin ng awtoridad ang estado ng mga nuclear plants sa rehiyon.


Ayon naman sa tala ng US Geological Service, 7.0 magnitude ang naturang lindol. Samantala, nilinaw ng Phivolcs na wala namang banta ng tsunami sa Pilipinas.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 22, 2021



Binaha ang labingpito sa 19 na bayan ng Surigao Del Sur dahil sa walang patid na pag-ulan dulot ng Bagyong Auring kahapon, Pebrero 21, kung saan mahigit 8,000 residente ang naapektuhan at halos 126 barangay ang napinsala at maging ang ilang evacuation centers ay pinasok na rin ng tubig.



Ayon pa sa ulat, mahigit 5,000 pamilya ang inilikas mula naman sa coastal areas ng Surigao Del Norte. Sa Agusan Del Norte ay inilikas din ang 60 residente na nakatira sa tabing-ilog.


Samantala, sa Dinagat Islands kung saan nag-landfall ang bagyo ay umabot na sa mahigit 350 pamilya ang na-evacuate. Nakahanda naman ang lokal na pamahalaan ng Eastern Samar sa forced evacuation kung kinakailangan.


Sa Davao Region, mahigit 40 pamilya ang inilikas kabilang ang mga residente mula sa Mawab at New Bataan sa Davao De Oro, pati na rin sa Mati City, Banaybanay at Caraga sa Davao Oriental.


Ayon sa huling datos ng Philippine Coast Guard, mahigit 3,800 indibidwal ang na-stranded mula sa pantalan ng hilagang Mindanao, hilagang silangang Mindanao, silangang Visayas, kanlurang Visayas, gitnang Visayas at Bicol region dahil sa Bagyong Auring.


Kabilang sa mga stranded ay ang mahigit 2,000 pasahero, mga drivers at mga cargo helpers. Nauna nang inanunsiyo ng pamahalaan ang pagkansela sa klase sa lahat ng antas ng paaralan at kawani ng gobyerno sa Tacloban City at Romblon Province.


Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa Cantillan, Surigao del Sur, Compostela, Davao de Oro at Madridejos, Cebu.


Samantala, nananatili pa rin sa Signal No. 1 ang mga sumusunod: -Sorsogon -Masbate (kabilang ang Ticao at Burias Islands) -Albay -Catanduanes -Silangang bahagi ng Camarines Sur -Northern Samar -Eastern Samar -Samar -Biliran -Leyte -Southern Leyte -Bohol -Cebu -Siquijor -Hilaga at silangang bahagi ng Negros Oriental -Hilaga at gitnang bahagi ng Negros Occidental -Silangang bahagi ng Iloilo -Silangang bahagi ng Capiz -Dinagat Islands -Surigao Del Norte -Hilagang bahagi ng Surigao Del Sur -Agusan Del Norte Sa ngayon ay wala pang naiulat na nasaktan o nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Auring.


 
 

ni Lolet Abania | February 19, 2021




Bukod sa COVID-19 virus, mas mahirap ang nararanasan ng maraming mamamayan ngayon sa United States dahil sa epektong dulot ng snowstorm.


Ayon sa ulat, nabatid na sa Chicago, Illinois, karamihan sa mga residente roon ang dumaranas ng kakulangan sa pagkain.


Hindi sila makalabas ng bahay dahil sa sobrang lamig habang puno ng mga yelo ang paligid.


Naglabas din ng pahayag si Texas Agriculture Commissioner Sid Miller para sa lahat ng residente sa matinding epekto ng winter storm sa agrikultura ng estado at maging sa suplay ng pagkain sa lugar.



“I’m issuing a red alert regarding agriculture and our food supply chain here in the state of Texas,” ani Miller sa isang statement.


“I’m getting calls from farmers and ranchers across the state reporting that the interruptions in electricity and natural gas are having a devastating effect on their operations,” sabi ni Miller.


Gayundin, maraming lugar sa Texas ang walang kuryente, nagkukulang na ang suplay ng produktong petrolyo at nauubusan na rin ng pagkukunan ng malinis na tubig, kung saan isinailalim na ang lugar sa emergency crisis.


“Grocery stores are already unable to get shipments of dairy products. Store shelves are already empty. We’re looking at a food supply chain problem like we’ve never seen before, even with COVID-19,” saad ni Miller.


Samantala, itinigil pansamantala ang COVID-19 vaccine rollout sa ilang bahagi ng Amerika dahil sa kalamidad. Ilang residente rin ang pinili na magtungo na muna sa mga estado na hindi gaanong apektado ng snowstorm.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page