ni Lolet Abania | December 7, 2020
Walang katotohanan na isasailalim sa “nationwide lockdown” ang bansa sa holiday season, ayon sa pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque ngayong Linggo. Ito ang naging tugon ng kalihim dahil sa text message na kumakalat ngayon na sinasabing ang bansa ay ila-lockdown simula December 23 hanggang January 3. “Fake news,” sabi ni Roque sa mga reporters.
Hinimok naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang publiko na iwasan ang pagkakalat ng anumang maling impormasyon. “Do not believe fake news. Alamin ang totoo. Huwag maniwala at huwag po magkalat ng fake news lalo na ngayong panahon. Patuloy lang po tayong maging responsable sa sarili at sa pamilya,” ani Nograles.
“Please ensure you verify or ask authorities or trusted organizations about the veracity of such information before believing and passing it around. Let us not be instruments of fake news distribution,” ayon kay National Task Force Against COVID-19 Spokesman Restituto Padilla, Jr..
Una nang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Tacloban, Lanao del Sur, Iligan, at Davao City ay mananatili sa general community quarantine (GCQ) hanggang sa katapusan ng taon upang maiwasan ang COVID-19 transmission.
Habang ang natitirang bahagi ng bansa ay mananatili naman sa modified GCQ. Ayon naman sa Department of Health (DOH), target ng gobyerno na maging quarantine-free na ang bansa sa third quarter ng 2021.