ni Lolet Abania | December 11, 2021
Pansamantalang maantala ang vaccination drive ng pamahalaan sa mga lugar na apektado ng masamang panahon, ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 official.
Sa isang radio interview kay NTF adviser Ted Herbosa ngayong Sabado, sinabi nitong mino-monitor nila ang weather disturbance na tatama sa Mindanao at makakaapekto sa ilang lugar sa bansa dahil sa gaganaping second round ng mass vaccination drive mula Disyembre 15 hanggang 17.
Alas-3:00 ng madaling-araw ngayong Sabado, namataan ang low pressure area (LPA) na matatagpuan sa layong 2,340 kilometro silangan ng Mindanao, kung saan nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), batay sa ulat ng PAGASA.
Ayon sa PAGASA, ang LPA ay maaaring ma-develop na maging isang tropical cyclone sa loob ng 48 oras at posibleng pumasok sa PAR sa Martes. Bibigyan ito ng pangalang “Odette” kapag pumasok na sa bansa.
“In fact, may binabantayan kaming bagyo na baka pumasok sa PAR na sasabay doon sa ‘Bayanihan, Bakunahan’ so siyempre inaalagaan namin ‘yung supply ng mga bakuna at kung mawalan ng kuryente roon eh maging problema pa ‘yung cold storage,” paliwanag ni Herbosa.
“Baka i-hold namin para magprepara muna tayo para maprotektahan ‘yung mga bakuna.
Pangalawa, siyempre ‘yung safety ng mga gustong magpabakuna, kung baha ‘yan or malakas ang ulan eh, siyempre dapat ihinto ‘yung pagpapabakuna sa mga lugar na tatamaan at dadaanan nu’ng bagyo,” dagdag ni Herbosa.
Sinabi ni Herbosa na importante na ma-fully vaccinate ang pitong milyong indibidwal sa ikalawang round ng pagbabakuna kontra-COVID-19 sa gitna ng banta ng bagong Omicron COVID-19 variant.
Kaugnay nito, nakapagtala ang bansa ng 10.2 milyong indibidwal sa unang round ng vaccination drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3.