ni Lolet Abania | July 2, 2021
Ikinatuwa ng National Task Force na umabot sa 1 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa ating mga kababayan sa loob lang ng 4 na araw.
Dahil dito, nasa 11 milyong doses na mula sa iba’t ibang brands ng COVID-19 vaccines ang naibigay ng gobyerno sa mga mamamayan.
“Sa loob lamang po ng apat na araw, mula Lunes hanggang kahapon, one million doses po ang nai-jab natin. At dahil po diyan, 11 million na po ang ating jabs na na-administer sa ating mga kababayan,” ani NTF Deputy Chief Implementer Vince Dizon sa briefing ngayong Biyernes.
“Kung magkakaroon pa tayo ng mas maraming supply ay nakakasiguro tayo na [mas] marami pa tayong maidya-jab sa mga susunod na linggo at buwan,” sabi pa ni Dizon.
Umabot naman sa 17 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang supply nito sa bansa na kabilang sa mga brands ay Sinovac, AstraZeneca, Pfizer-BioNTech, Sputnik V at Moderna. Pinakamaraming supply ay mula sa Chinese vaccine na Sinovac.
Patuloy ang COVID-19 vaccination program ng gobyerno, kung saan nagsimula noong March 1 na layong mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong populasyon upang makamit ang herd immunity sa bansa.