ni Mary Gutierrez Almirañez | April 23, 2021
Isinagawa ang house-to-house na pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga senior citizens na nahihirapang pumunta sa vaccination site sa ilang lungsod sa Metro Manila at Cavite.
Ayon sa panayam kay Dr. Nina Castillo-Carandang ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) ngayong umaga, paraan aniya iyon upang hindi ma-expose sa virus ang mga vulnerable na senior citizens.
Dagdag pa niya, "Itong ginagawang pagbabahay-bahay ay para hindi mawalan ng pagkakataon ang mga mamamayang Pilipino na hindi na po kayang magbiyahe, hindi na kayang lumabas ng bahay. Kailangang gawin ito ng higit pang pag-iingat. Kailangan 'yung mga taong dadalaw kay lolo, kay lola, kay tito at kay tita sa bahay ay nasa maayos din na kalagayan.”
Base sa huling tala ng Department of Health (DOH), tinatayang 1,612,420 indibidwal na ang mga nabakunahan kontra-COVID-19, kung saan 214,792 ang mga nakakumpleto sa dalawang dose at 1,397,628 naman para sa unang dose.
Sa kabuuang bilang ay 3,525,600 doses ng bakuna na ang dumating sa bansa, kabilang ang 3 milyong doses ng Sinovac at 525,600 doses mula sa AstraZeneca.