ni Lolet Abania | September 8, 2021
Aabot na sa 42 milyong Pilipino ang sinimulan ang proseso ng pagkuha ng kanilang national ID. Ayon sa report ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Cabinet briefing na ipinalabas ngayong Miyerkules, nasa 41,970,083 Pilipino na ang nakapag-register para sa Step 1 o ang demographic data collection hanggang Setyembre 3, 2021.
Nasa kabuuang 28,682,680 indibidwal naman ang nakakumpleto na para sa Step 2 registration o ang biometrics capture, habang 1,584,621 Pinoy ang nakatanggap naman ng kanilang PhilID cards.
Target ng pamahalaan na makapagrehistro para sa national ID ng tinatayang 50 hanggang 70 milyong indibidwal bago matapos ang taon.
“We aim to register 50 to 70 million Filipinos with the PhilSys and achieve 100% financial inclusion at the family level by the end of the year. This will help the government efficiently identify beneficiaries for social protection programs and spark the widespread use of electronic payments to accelerate the digital economy,” ani Chua sa isang statement noong nakaraang Hulyo.
Ayon pa kay Chua, hanggang nitong Agosto 22, nasa 5.2 milyong registrants ang nakapag-sign up na para sa kanilang bank accounts.