by Info @Editorial | September 2, 2024
Sa kabila ng samu’t saring kontrobersiya at ingay sa pulitika, hindi dapat makalusot ang iba pang usapin sa bansa na mahalaga at ginastusan ng pera ng bayan.
Tulad ng isyu sa National ID, kung saan tinapos na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kontrata nito sa kumpanyang kinuha para sa pag-iimprenta, sa ilalim ng programang Philippine Identification System (PhilSys).
Sa pahayag ng isang opisyal ng BSP, ito ay dahil umano sa kapalpakan ng kumpanya na tugunan ang bilang ng mga ID na dapat nitong iimprenta sa nakaraang apat na taon.
Ayon sa ulat ng BSP, nasa 51.6 milyong ID pa lamang ang naimprenta at naipamahagi noong katapusan ng Mayo. Kulang ito ng 86.7 milyong ID, alinsunod sa bilang ng mga Pilipinong nagparehistro sa PhilSys, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang PSA ang inatasang maglikom ng datos ng mga Pilipino habang ang BSP ang pumasok sa kontrata para sa pag-imprenta ng mga ID.
Hanggang ngayon ay kabi-kabilang reklamo pa rin ang lumalabas dahil sa tagal at bagal ng pamamahagi ng mga ID. Kahit pa naglabas ng digital copy ng ID, palpak pa rin umano dahil sa mali-maling impormasyon.
Ang masaklap, hindi pa tinatanggap bilang valid ID sa maraming establisimyento tulad ng mga bangko.
Sadyang masalimuot at hindi sapat na kanselahin lang ang kontrata sa kumpanya, sa dami ng sablay at hindi pagtupad sa kasunduan, kailangan itong managot. Marapat lang na patawan ng parusa.
Kailangan ding imbestigahan ang naturang usapin kasabay ang pagkilos para maipagpatuloy ang paggawa ng mga ID at tiyaking naipapatupad ang silbi nito sa mamamayan.