ni Zel Fernandez | April 24, 2022
Sampung dating miyembro ng New People's Army (NPA) kasama ang kani-kanilang mga pamilya ang opisyal na tumanggap ng kanilang brand new house sa Sultan Kudarat.
Araw ng Huwebes, Abril 21, tinanggap ng mga dating NPA ang kanilang bagong bahay mula sa national government sa pamamagitan ng National Housing Authority (NHA), sa pakikipagtulungan ng Municipal Government ng Senator Ninoy Aquino, Provincial Government ng Sultan Kudarat, Philippine Army at iba pang mga partners nito.
Sa pahayag ni NHA XII Regional Manager Engr. Zenaida Cabiles, fully furnished, kongkreto at may dalawang silid-tulugan ang bawat bahay na ipinagkaloob sa mga nagbalik-loob na rebelde.
Ang mga pabahay ay itinayo sa bagong housing village na nakatalaga para sa mga former rebels (FRs) sa bansa sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).
Ayon kay Cabiles, aabot sa P450,000 ang inilaan ng pamahalaan upang maitayo ang bawat bahay para sa bawat benepisyaryo.
Handog naman umano ng mga tropa ng 549th Engineer "Kapayapaan" Battalion ng 54th Engineer Brigade ng Philippine Army ang labor para sa konstruksiyon ng mga bahay kung saan ang NHA funding ay idinaan sa 7th Infantry Battalion.
Buwan ng Setyembre taong 2021 nang simulan ang konstruksiyon ng mga bahay na matatagpuan sa Sitio Lemangga, Brgy. Midtungok, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.