ni Mary Gutierrez Almirañez | March 4, 2021
Natanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang National ID na iniabot ni National Economic and Development Authority (NEDA) Acting Secretary Karl Kendrick Chua sa Palasyo ng Malakanyang kahapon, Marso 3.
Matatandaang isinabatas ni Pangulong Duterte ang National ID System noong August, 2018 kung saan isang government ID na lamang ang puwedeng gamitin sa pakikipagtransaksiyon. Layunin din nito na pagbutihin ang pamamahala sa gobyerno, bawasan ang katiwalian, wakasan ang red tape at itaguyod ang madaling paggawa ng negosyo at iba pa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, "P3.52-billion additional budget for 2021 to register 20 million more individuals to the Philippine Identification System."
Dagdag pa niya, mahigit 50 milyon indibidwal ang kabuuang target ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maiparehistro sa bagong ID system ng bansa.
Inatasan ng pamahalaan ang Philippine Statistics Authority (PSA) na pamunuan ang Philippine Identification System (PhilSys) at suportado naman ito ng National Economic and Development Authority (NEDA). Sa ngayon ay patuloy pa rin ang registration para sa National ID kung saan umabot na sa 20,133,869 indibidwal ang nakapagparehistro nationwide.