ni Lolet Abania | July 31, 2021
Sa inaasahang pagsasailalim ng National Capital Region sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Agosto 6 hanggang 20, inaprubahan ng Department of Health (DOH) ang mas ligtas na paraan ng pagbabakuna, ang house-to-house vaccinations.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mas higit na makatutulong sa mga kababayan ang bahay-bahay na pagbabakuna para matiyak na mababakunahan ang mga komunidad kontra-COVID-19 habang magiging mas ligtas din ang mga indibidwal dahil sa may mga mag-iikot na lamang na mga health workers sa halip na pumila sila sa mga vaccination sites.
“Sa tingin namin, maganda ‘yan na strategy, kasi una sa lahat, hindi magkukumpul-kumpol ang mga tao. Ang iikot po, ang [mga magbabakuna] at hindi na kailangang pumunta ng mga tao sa ibang lugar para magpabakuna,” ani Vergeire sa press briefing ngayong Sabado nang umaga.
Maliban dito, magkakaroon pa rin ng pagbabakuna sa mga vaccination sites subalit bubuo ang ahensiya ng mas ligtas na pamamaraan gaya ng pagkakaroon ng scheduling upang maiwasan ang pagdami ng mga tao habang isasagawa ito sa mas malalaking sites para masunod ang physical distancing.
“Gagawa tayo ng safe vaccination sites kung saan sisiguraduhin natin na hindi tayo magkukumpulan kapag tayo ay magpapabakuna na. There will be scheduling, we will be using bigger vaccination sites. Mas madali po ang mobilization ng [babakunahan] and [magbabakuna] para makapagpabakuna tayo ng mas marami,” sabi ni Vergeire.
Una nang sinabi na ipapatupad ang ECQ sa NCR simula sa Agosto 6 hanggang 20 sa gitna ng panganib ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.
Gayunman, ayon sa Malacañang, magpapatuloy ang pagbabakuna sa mga lugar kahit na isinailalim sa ECQ.