ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021
Limang lugar sa Quezon City ang nadagdag sa 52 na isinasailalim sa special concern lockdown, ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod.
Batay sa ulat, ipinatupad nila ang 14-day lockdown dahil mahigit tig-sampung indibidwal na ang nagpositibo sa COVID-19 sa mga sumusunod na lugar:
Iriga St. sa Brgy Sta Teresita
Gen Yongco St. sa Brgy Bagong Silangan
Del Mundo St. sa St Martin Village, Barangay Talipapa
Lazaro St. sa Lazaro-Soriano Compound, Brgy. Tandang Sora
Road 2, Lakas St. sa Brgy Matandang Balara
Nilinaw naman ng lungsod na makatatanggap ng food pack ang mga naka-lockdown na lugar.
Sa ngayon ay sinimulan na nilang isagawa ang swab testing sa bawat residente at ang mga magpopositibo ay kaagad nilang ia-isolate sa isolation facility upang maagapan ang hawahan.
Kaugnay nito, umabot na rin sa 87% hanggang 97% ang occupancy rate ng mga government hospital sa lungsod, kung saan 70,393 ang mga nakarekober sa virus.
Nananatili namang Quezon City ang nangunguna sa buong National Capital Region (NCR) na may pinakamataas na kaso ng COVID-19, mula sa 89,550 na naitala ng Department of Health (DOH).