top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | February 9, 2022



Sumuko na sa mga awtoridad ang TikTok user na nag-post umano ng death threat laban kay presidential candidate Bongbong Marcos, ayon kay Marcos spokesperson Atty. Vic Rodriguez ngayong Miyerkules.


“As we speak, I was just on the phone this morning with Deputy Director [Vicente] De Guzman of the NBI, (National Bureau of Investigation) sumuko na sa kanila yung taong nagpost ng death threat na yan kahapon,” ani Rodriguez sa isang panayam.


“Ngayon aasikasuhin din namin at nang makilala yung taong yan at gaano kalalım at yung extent ng kanilang pananakot,” dagdag ni Rodriguez.


Kinumpirma naman ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin ang pagsuko ng naturang TikTok user.


Ayon kay Lavin, sumuko ang nasabing indibidwal noong Martes pero pinayagan ding umalis dahil walang legal na basehan ang nga awtoridad para ito ay i-hold sa kanilang kustodiya. “Babalik siya mamaya”, ani Lavin.


Matatandaang inihayag ng Marcos camp na mayroon umanong banta sa buhay ni BBM sa video app na TikTok.


Sa mensahe sa naturang TikTok post, nakasaad na: “WE ARE meeting everyday to plan for BBM’s assassination. Get ready.”


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 1, 2022



Boluntaryong sumuko ang aktor na si Enchong Dee sa tanggapan ng National Bureau of Investigation o NBI kahapon, Enero 31, hinggil sa P1 billion-cyber libel na isinampa ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER) Rep. Claudine Bautista-Lim noong Agosto, 2021.


Pansamantala umanong ikinulong ang aktor dahil hapon na nang dumating ito at hindi kaagad naayos ang mga dokumentong kailangan para siya ay makapagpiyansa pero bandang 9:00 p.m. ay nakalaya rin umano ito.


Matatandaang hindi nai-serve ang warrant of arrest kay Enchong sa ibinigay nitong address sa Cubao, Quezon City noong Miyerkules, Enero 26, dahil wala roon ang aktor at ayon sa mga naninirahan doon ay medyo matagal nang hindi pumupunta roon si Dee.


Matatandaan ding nag-advice sa kanya ang entertainment broadcaster na si Cristy Fermin na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad.


“Ito ang pinakamagandang gagawin ni Enchong dito,” ani Fermin sa kanyang radio program. “Hindi po pwedeng pagtaguan ito. Huwag mong paliitin ang mundo mo, magpiyansa ka.”


Si Bautista ay pormal na naghain ng kaso laban kay Dee matapos umano nitong i-criticize ang kanyang kasal sa social media.


“The anxiety, anguish, humiliation and the impact on me and my family’s reputation left us no choice but to file cases against those responsible for causing us so much grief and worry, which almost led to me losing our baby, and which adversely affected some of our constituents’ trust in us,” pahayag ni Bautista.


Gayunman, bago pa man mag-file ng kaso si Bautista ay humingi na ng patawad si Dee sa kanya.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 24, 2022



Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na lahat ng kasong nahawakan nila kaugnay sa ilegal na fund transfer ay may kinalaman sa phishing.


Dito ay gumagamit ng email, text message o voice call ang mga kawatan para makuha ang mga log-in credential ng isang tao.


Dahil dito ay nagbabala ang NBI sa publiko na huwag i-share ang password ng kanilang mga online bank account.


"Huwag tayo magshe-share ng mga password natin, mga PIN natin, kahit na may mag-email sa iyo, tumawag sa iyo, mag-text sa iyo. At the same time po, never ever share our OTP (one-time password)," ani NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo sa isang panayam.


Ito ay matapos ang pagkakahuli ng 5 suspek sa pangha-hack sa mga bank account ng BDO.


Dapat umano ay balewalain ng publiko ang mga email, text message o voice call na nanghihingi ng mga password at iba pang account details nila.


Sa mga ATM at credit card naman, delikado kapag nakuha ang 4DBC o iyong 4 na numerong nakalagay sa card.


"Kapag naibigay mo iyon, puwede na silang mag-online transaction," ani Lorenzo.


Para sa mga nais maghain ng reklamo kaugnay sa mga online scam, maaaring bisitahin ang website ng NBI para sa hotline numbers.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page