ni Lolet Abania | March 13, 2021
Isang lalaki na dumating sa Japan mula sa Pilipinas ang na-detect ng health authorities doon na infected ng bagong COVID-19 variant, kung saan unang kumpirmado ng ganoong kaso sa nasabing bansa.
Sa isang pahayag ng National Institute of Infectious Diseases (NIID) ng Japan, ang sample ay nakolekta mula sa nasabing biyahero na nanggaling sa Pilipinas noong Pebrero 25.
Ang variant ay maihahalintulad sa unang nadiskubre sa Britain, South Africa at Brazil habang katulad din ng lebel ng panganib sa tatamaan ng virus.
Batay pa sa NIID, ang naturang variant ay mayroong N501Y at E484K, kung saan ang dalawang mutations of concern ay na-detect sa Central Visayas noong nakaraang buwan.
Ayon sa Ministry of Health, Labor and Welfare ng Japan, ang lalaki ay nasa edad 60 na dumating sa Narita airport malapit sa Tokyo at lumabas na siya ay asymptomatic.
Nagpositibo siya sa test matapos na sumailalim sa quarantine sa nasabing airport.
Gayunman, patuloy ang NIID sa mahigpit na pagpapatupad ng protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus.