ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | March 27, 2022
Kamakailan lamang ay inanunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang paghina ng amihan o northeast monsoon.
Ang amihan ang nagdala sa atin ng malamig na hangin mula sa Siberia at karatig lugar na nagbunga ng malalamig na araw nitong mga nagdaang buwan, lalo na noong Disyembre.
Sa paghina ng amihan ay nangangahulugang nariyan na ang tuyo't mainit na panahon o hot and dry season na mas akmang tawag imbes sa nakagawiang “summer” dahil hindi naman umiiral sa bansa ang apat na seasons kumpara sa temperate climate, halimbawa, ng Amerika.
Nanawagan naman ang PAGASA na maging masinop sa paggamit ng tubig, lalo ngayong pinangangambahang magkakaroon ng limitadong supply nito sa Kamaynilaan at mga karatig lugar.
Manatili po tayong hydrated o laging uminom ng tubig, magsuot ng magagaang na damit, at kung maaari, umiwas sa matinding sikat ng araw mula tanghali hanggang early afternoon upang makaiwas sa heat stress o heat stroke.
☻☻☻
Sa gitna ng init ng panahon ay ilang kababayan natin ang nagtiis at pumila sa DFA upang makakuha ng passport at iba pang dokumento nitong nakaraang linggo.
Bago pa man maghatinggabi noong Miyerkules ay mahaba na ang pila sa opisina ng DFA sa Aseana, Parañaque City ngunit mayroong limit ang maaaring makapasok.
Inatasan naman ni DFA Secretary Teddy Locsin ang mga kawani ng ahensiya na asikasuhin ang mga aplikante.
Nawa’y dagdagan pa ng ahensiya ang mga tanggapan nito, lalo na sa mga probinsiya, na maaaring puntahan ng ating mga kababayan para makakuha ng kanilang mga kinakailangang dokumento.
Ito ay upang hindi na gumastos nang malaki para sa pamasahe at iba pa ang ating mga kababayan, at hindi makipagsiksikan at mag-unahan ngayong panahon ng pandemya.
Maaari ring habaan ang oras na puwedeng mag-apply ng passport at iba pang dokumento para mabawasan ang backlog.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay