ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | April 10, 2022
May panibagong binabantayang COVID-19 variant na naman, ang Omicron XE.
Ayon sa mga eksperto, ito ay bunga ng pinagsanib na BA.1 at BA.2 Omicron sub-lineages. Una itong nakita sa United Kingdom noong Enero.
Ayon pa sa kanila, nagpapakita ito ng senyales ng mas mataas na transmissibility o paghahawa ngunit hindi ito inaasahang magdudulot ng mas malalang COVID-19.
Sa isang banda, hindi raw nito mapapababa ang bisa ng COVID-19 vaccines.
☻☻☻
Ngunit hindi pa rin tayo dapat makampante dahil na rin sa mga sinabi ng mga eksperto.
Mayroon pa rin kasing mga lugar sa bansa ang mababa ang vaccination rate, tulad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may tinatayang 1.5 milyong residente na hindi pa bakunado sa rehiyon.
Ayon sa huling tala ng DOH, mayroon nang 66.2 milyong Filipino ang bakunado sa buong bansa. Nasa 12.2 milyon naman ang nakatanggap na ng booster shot, ngunit mababa ang bilang na ito, dahil 26.25 percent lamang ito ng 46.47 milyong Filipino na maaaring kumuha nito.
☻☻☻
Nakakabahala ang sinabi ni Joey Concepcion, ang Presidential Adviser for Entrepreneurship, na may tinatayang 27 milyong doses ng bakuna ang malapit nang mag-expire.
Kailangang magmadali ngayon ang pamahalaan na magamit ang mga bakunang ito, dahil bukod sa malapit na itong ma-expire, ay bayad gamit ang buwis ng taumbayan.
Isang malaking kasayangan ito ng pondo ng bansa, lalo na at marami pa sa ating mga kababayan ang hindi bakunado at hindi pa nakakakuha ng kanilang booster shot.
☻☻☻
Bagama’t boluntaryo naman ang pagpapabakuna, patuloy po nating hinihimok ang ating mga kababayan na magpabakuna, para na rin maiwasan ang malubhang pagkakasakit ng COVID-19.
Ito rin ay upang maiwasan ang muling pagsipa ng mga kaso, lalo at maraming mga tao ang nakikilahok sa election activities, at ang iba ay hindi na sumusunod sa minimum health standards.
Sinasabi rin ng mga eksperto na mapipigilan nito na mabigyan ang virus ng pagkakataong mag-mutate at makagawa ng mas matinding version.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay