ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | May 29, 2022
Pirma na lang ng Pangulo at magiging ganap na batas na ang Senate Bill Number 2484, o ang panukalang nagko-convert sa mga Provincial Science and Technology Center sa Provincial Science and Technology Office.
Noong nakaraang Lunes ay ipinasa na ng Senado ang panukalang ito sa ikatlo at pinal na pagbasa.
Nais ng panukalang batas na ito na palakasin ang ating mga PSTC upang lalo pa nitong magampanan ang mandato nito na maghatid ng siyensya at teknolohiya sa ating mga kababayan, lalo sa mga lalawigan.
Dekada na itong nilalaban ng mga kawani ng DOST at malaking tulong kung ito ay magiging ganap na batas sa lalong madaling panahon.
Makakatulong din ang panukalang ito upang maiwasan ang brain drain ng mga magagaling at talentadong kawani ng DOST, lalo na at nasa gitna tayo ng pandemya.
Ang inyong lingkod, bilang tagapangulo ng Senate committee on Science and Technology, ang principal sponsor ng panukalang ito.
☻☻☻
Sa isang banda ay nais kong kunin ang pagkakataon na ito upang bigyang pugay at parangal ang bagong hirang na Pangulo at Pangalawang Pangulo ng ating bansa.
Nitong nakaraang Miyekules ay ipinroklama sina Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. at Sara Duterte bilang ika-17 na pangulo at ika-15 na pangalawang pangulo ng Pilipinas matapos ang canvassing ng Kongreso.
Kasama ang inyong lingkod sa Senate contingent na bumuo sa National Board of Canvassers.
Bilang isang opisyal ng bansa, makakaasa ang bagong administrasyon na tutulong tayo upang makamit ang adhikaing mapaganda ang buhay ng ating mga kababayan, lalo ngayong nasa gitna tayo ng pandemya.
Magbibigay din tayo ng mga suhestiyon at rekomendasyon upang lalo pang mapalakas ang mga panukalang batas na ihahain, pati na ang mga programa at proyekto ng administrasyon.
Panalangin ko rin na nawa’y gabayan at tulungan ng Maykapal kaming lahat na opisyal ng bayan upang magampanan namin ang aming mga tungkulin at responsibilidad sa bayan at sa ating mga kababayan.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay