ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | June 22, 2022
Kamakailan, inihayag ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pansamantala niyang pamumunuan ang agriculture portfolio ng pamahalaan.
Pabor tayo sa desisyong ito ng pangulo lalo pa’t dumaranas tayo ng patuloy na food insecurity dahil sa iba’t ibang salik tulad ng digmaan sa Ukraine, pandemya, sunud-sunod na bagyo at African swine fever.
Kung pangulo mismo ang namumuno sa sektor ng agrikultura, masisigurong hindi lang nakatuon sa isang departamento, kundi buong pamahalaan ang masusuri at kikilos para tugunan ang lumalalang problema ng sektor.
Maganda rin ang mensaheng ipinamamalas nito sa ating mga kababayan dahil ipinahihiwatig na top priority ang pagsigurong may makakain ang pamilyang Pilipino.
Umaasa tayong magtatagumpay ang pamahalaan sa layuning maisaayos ang produksyon ng ating mga magsasaka’t mangingisda nang matustusan ang pangangailangan sa pagkain.
☻☻☻
Usap-usapan din ang pag-review sa implementasyon ng K-to-12 program.
Napapanahon ang review upang masukat natin kung epektibo ba ang edukasyong natatanggap ng ating mga mag-aaral.
Matatandaang ayon sa isang ulat ng World Bank, mahigit 80% ng estudyanteng Pilipino ay kapos sa minimum proficiency levels o ang antas ng dapat alam nila bases sa edad o grade level.
Ayon naman sa National Economic Development Authority, nasa P11 trillion ang productivity loss sa susunod na 40 taon dahil sa isang taong walang face-to-face schooling dahil sa pandemya.
Ito ang ilan sa mga hamon na hinaharap natin sa sektor ng edukasyon, kung kaya kailangan ng komprehensibo at strategic na pagtugon sa krisis. Ang pag-review sa K-to-12 ay simulaing nararapat na gawin upang matukoy natin ang susunod na hakbang.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay