ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 3, 2022
Nakumpirma na ang pagpasok ng monkeypox sa bansa ilang araw pagkatapos ideklara ng World Health Organization na “global health emergency” ang monkeypox outbreak.
Natuklasan ang unang kaso ng monkeypox sa bansa sa isang 31 taong gulang na Pilipinong dumating mula sa ibang bansa noong July 19.
Umaasa tayo na natuto na ang pamahalaan sa mga aral ng kasalukuyang pandemya at agarang kikilos upang maiwasan ang pagkalat ng monkeypox sa bansa.
Nananawagan tayo sa Department of Health na paigtingin ang kahandaan at kapasidad nito na tumugon sa panibagong banta na ito.
Mayroon na tayong nailatag na framework na ginamit natin laban sa COVID-19. Maaari nating pagsamahin ang 3T (tracing, testing, treatment) strategy kontra-COVID-19 sa kasalukuyang 4-door strategy (prevention, detection, isolation, treatment) ng DOH sa pagtugon sa monkeypox.
☻☻☻
Kailangan ding muling buhayin ng Department of Interior and Local Government ang mga emergency hotline at suriing muli ang local-level coordination sa mga local government unit sa usapin ng surveillance at border control.
Nararapat lang din na sa lalong madaling panahon ay magkaroon ng malawakang information campaign upang malaman ng mga tao kung paano maiiwasan ang monkeypox at kung ano'ng maaaring gawin kung nahawaan sila nito.
Mainam din kung ngayon pa lang ay magtalaga na ng mga special units para sa monkeypox at palakasin ang clinical management, coordination, treatment, vaccination capacity at iba pang kailangan para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa mga kababayan natin.
☻☻☻
Umaasa rin tayo na magtakda na ang Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng bagong Health Secretary na mangunguna sa mga pagsisikap kontra sa monkeypox at sa COVID-19.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay