ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | September 25, 2022
Worth it nga ba ang Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa ating bansa?
Dapat pag-aralan nating maigi ang pros and cons ng operasyon ng POGO at tingnan kung kung may silbi ba ito sa bansa.
Kailangang busisiin at ibangga ang economic impacts nito laban sa social costs, kung kaya’t inaantabayan natin ang pagdinig ng Senate Ways and Means Committee tungkol dito.
☻☻☻
Nakakabahala ang pagdami ng krimen na konektado sa mga POGO at mga manggagawa nito, tulad ng kidnapping, at acts of violence, extortion, pati na murder.
Ngayong taon, mayroong 27 kidnapping cases ayon sa tala ng Philippine National Police (PNP), na 20 ay konektado sa mga POGO.
Noong nakaraang linggo naman ay nasagip ng mga awtoridad ang 42 Chinese nationals na hindi umano ay nagtatrabaho sa ilalim ng “human trafficking conditions” mula sa isang POGO sa Angeles City, Pampanga.
Ayon naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mayroong 216 na POGO na kinansela na ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ang mga permits to operate.
Tinatayang 40,000 empleyado nito ang posibleng ilegal na nanunuluyan sa bansa, dagdag pa ng kalihim.
☻☻☻
Pabor naman si Finance Secretary Benjamin Diokno sa pagtigil ng operasyon ng mga POGO dahil na rin sa bumababang kita ng bansa mula rito.
Noong briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado kamakailan, bumaba sa tinatayang P3.9 bilyon ang revenue mula sa POGO nitong 2021, kumpara sa P7.2 bilyon na naitala noong 2020, ayon pa sa kalihim.
Handa naman ang Senado na magpasa ng batas para sa total ban ng POGO, at hindi rin tayo tututol sa mga nagsusulong nito, lalo na kung mapatutunayang wala nang benepisyo ang ating bansa mula rito.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay