ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 6, 2022
Halos walang pagbabago sa bilang ng mga kababayan nating nagugutom.
Ito ay kung pagbabatayan natin ang pinakabagong resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa survey, tinatayang nasa 11.3% ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom, na halos pantay lang sa 11.6% na naitala noong Hunyo. Pareho namang katumbas ito ng tinatayang 2.9 milyong pamilyang Pilipino.
Tumaas ang mga bilang ng nagugutom sa Metro Manila, Visayas at Mindanao, samantalang bumaba ito sa Balance Luzon.
☻☻☻
Ngunit posibleng madagdagan ang bilang na ito dahil na rin sa mga kalamidad na tumama sa ating bansa ngayong taon.
Ayon sa latest na report ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa P2.86 bilyon ang pinsalang idinulot ni Severe Tropical Storm “Paeng” sa sektor ng agrikultura.
Hindi pa kasama sa bilang na ito ang idinulot ng iba pang bagyo at kalamidad na humagupit sa ating bansa ngayong taon.
Tinamaan ni 'Paeng' ang mga magsasaka at mangingisda sa mga rehiyon ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao at Soccsksargen.
Karamihan pa naman sa mga rehiyon ang pinagkukunan natin ng basic staples, tulad ng bigas, isda, gulay at iba pang pagkain. Ramdam na ang pagtaas ng presyo ng mga ito sa mga palengke dahil sa kakulangan ng suplay.
☻☻☻
Isa tayo sa mga sumusuporta sa sinabi ni Senate Finance Committee chair Sonny Angara na bukas ang Senado na i-adjust ang pondong nakalaan para sa calamity fund sa 2023 national budget.
Ngunit hindi lamang calamity fund ang dapat i-adjust, kundi pati na rin ang climate change adaptation at mitigation measures, lalo na ang kakayahan ng mga LGU na isagawa ito.
Ito ay upang lalo pang maiwasan o mapababa ang epekto ng mga kalamidad, lalo na ng mga bagyo, sa ating mga pananim, imprastruktura at kabuhayan. Pinalalakas ng climate change ang mga bagyo, tulad ng hangin at ulan na dala nito.
Hindi man agad natin makita at maramdaman, ngunit malaki ang epekto ng climate change sa ating mga kababayan, lalo na sa sikmura.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay