ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 16, 2022
Tuwing November 14 ang komemorasyon ng World Diabetes Day.
Mahalaga ang pagdalo ng araw na ito sa pagdidiin sa madla sa panganib ng sakit na ito.
Ayon sa International Diabetes Federation, 643 milyon sa buong mundo ang tinatayang magkakaroon ng diabetes pagdating ng 2030. Inaasahang lolobo ito sa 783 milyon sa 2045.
Sa Pilipinas naman, nasa 5 milyong kababayan natin ang may diabetes, ngunit ayon sa Diabetes Philippines ay tinatayang nasa 5 milyon pa ang may diabetes, ngunit hindi pa nada-diagnose.
☻☻☻
Delikado ang diabetes dahil kung hindi na-diagnose at nabigyan ng lunas ay nagdudulot ng komplikasyon, tulad ng pagkabulag, problema sa kidney, stroke, heart attack, pagkaputol ng mga paa o kamay, atbp.
Ang nakababahala na dumami ang mga Pilipinong naging diabetic sa panahon ng pandemya.
Bumabata rin ang mga nada-diagnose na may sakit at marami sa mga ito ang nasa 20s at 30s pa lamang dahil sa genetic predisposition at heredity, at sa sedentary lifestyle na lumala dahil sa limitasyon sa pagkilos dahil sa lockdown.
☻☻☻
Nararapat pansinin na dumami rin ang bilang ng mga Pilipinong naging obese sa pandemya.
Inilahad ng 2021 Expanded National Nutrition Survey (ENNS) ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na nasa 3.9 percent ang obesity rate ng mga batang mula 0 hanggang 5 taong gulang, at 14 percent naman sa edad 5 hanggang 10.
Samantala, isa sa bawat 10 adolescent at 4 sa 10 adults ang overweight o obese.
10 percent ng mga adult na edad 20 hanggang 59 ay obese, at 6.2 percent naman sa mga senior citizen naman na 60 pataas ang obese.
Maaaring magdulot ng diabetes ang obesity.
☻☻☻
Nananawagan tayo sa Department of Health at sa buong pamahalaan na mariing tutukan at tugunan ang paglaganap ng diabetes at obesity sa bansa, na itinuturing na mga silent epidemic.
Tulad nga ng madalas sabihin, prevention is better than cure. Maiiwasan ang malaking gastos hindi lang ng mga pamilya, kundi maging sa pondo ng bansa, kung bibigyang-halaga natin ang pagkakaroon ng healthy lifestyle ng bawat isa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay