ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 27, 2022
Hinihimok natin ang publiko na lumahok sa ikinasang “Bakunahang Bayan” ng Department of Health (DOH) laban sa COVID-19.
Nationwide ang vaccination campaign, na target ang mga batang edad 5 hanggang 11 at ‘yung mga hindi pa nakatanggap ng kanilang 1st booster shot. Mangyayari ito sa December 5 hanggang 7, Lunes hanggang Miyerkules.
Ayon sa datos ng DOH, 73.7 milyong Pilipino na ang bakunado laban sa COVID-19, samantalang 20.9 milyon naman ang nakatanggap na ng 1st booster.
☻☻☻
Bagama’t mababa na ang COVID restrictions sa ating bansa, hindi ibig sabihin nito ay ibaba na natin ang ating depensa laban dito.
Ayon sa OCTA Research, tumaas ang seven-day COVID-19 positivity rate ng National Capital Region sa 9.2% noong November 22 mula sa naitalang 7.4% noong November 15.
Batay naman sa latest na datos ng DOH, nakapagtala ang NCR ng 3,382 na mga kaso,
pinakamataas na bilang ng kaso sa nakalipas na dalawang linggo.
Sinusundan ito ng Calabarzon na may 1,973 kaso; Western Visayas (1,444); Central Luzon (1,131) at Central Visayas (1,078).
Binabantayan ang mga numero na ito, dahil posibleng simula ito ng muling pagsirit ng mga kaso.
☻☻☻
Kung kaya’t paulit-ulit na hinihikayat ng inyong lingkod ang sambayanan na magpabakuna at patuloy na mag-obserba ng minimum public health standards, bukod sa pagpapanatiling malusog ng ating mga katawan.
Ito ang ating mga pananggalang sa COVID-19, lalo na kung may mga mahal tayo sa buhay na high risk sa sakit, tulad ng senior citizens at may underlying medical conditions tulad ng may comorbidities o immunocompromised.
☻☻☻
Hindi lamang COVID-19 ang kailangang bantayan, dahil ayon sa World Health Organization (WHO) at US Centers for Disease Control and Prevention ay may banta na muling kumalat ang tigdas sa buong mundo.
Sa tala ng mga ahensya, nasa halos 40 milyong bata sa buong mundo ang hindi nakatanggap ng measles vaccine noong 2021, samantalang may 3 milyong batang Pinoy ang hindi bakunado laban dito, ayon sa DOH.
Nagbabala na rin ang DOH na posibleng magkaroon ng measles outbreak sa bansa sa susunod na taon.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay