ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | March 2, 2023
Noong mga nakaraang araw ay naging laman ng balita ang paglahad ng Bureau of Corrections na plano nilang gawing headquarters ang Masungi Georeserve sa Rizal.
Base raw sa Proclamation No. 1158 na inilabas noong Setyembre 8, 2006, nakalaan ang 270 hectares na tinatawag na ‘Lot 10’ para sa pagtayo ng New Bilibid Prison.
Dagdag pa ni BuCor acting Director General Gregorio Catapang, kasama sa planong headquarters ang pag-develop ng residential area para sa kanilang personnel, at pag-implementa ng land use development plan para sa ‘basic institutional food requirements.’
☻☻☻
Marami ang nagulat sa balitang ito, na lumabas pagkatapos magsagawa ng ocular inspection ang BuCor sa Masungi.
Ilang araw matapos ang ocular inspection, sinabi ng DG Catapang na magpapatuloy ang proyekto kung magbibigay ng katiyakan ang mga eksperto, partikular ang mga urban planning experts ng University of the Philippines, na mananatiling protektado ang Masungi Georeserve.
Nagbabala ang Masungi Georeserve Foundation na may negatibong epekto sa kalikasan at maging sa sektor ng turismo ang plano ng BuCor.
☻☻☻
Dahil sa mga nangyari, inihain natin ang Senate Resolution No. 495 na nagpapatawag ng imbestigasyon sa plano ng BuCor.
Ang Masungi ay simbolo ng sustainable development at nangunguna sa mga pagsisikap na konserbahin at palaguhin ang kalikasan, lalo na sa harap ng krisis sa klima.
Dahil dito, kailangang protektahan natin ang Masungi.
Naiintindihan natin ang pangangailangan ng BuCor sa mga pasilidad na plano nitong itayo.
Ngunit kailangan ding timbangin natin kung ano ang magiging epekto sa kalikasan kung matutuloy ang pagpapatayo sa bagong BuCor headquarters.
Hindi natin dapat kalimutan na pagdating sa kalikasan, kahit ang pinakamaliit na aksyon ay may epekto sa kabuuan.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay