ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | July 16, 2023
Ikinagalak natin ang naging desisyon ng Cebu Pacific na alisin ang expiration date ng kanilang travel fund.
Bukod dito, pinalawig din ng naturang airline ang validity ng kanilang travel voucher ng hanggang 18 buwan mula sa August 1.
Bukod sa travel fund at travel vouchers, nagkaroon na rin ng klarong guidelines ang Cebu Pacific sa pagbibigay ng compensation sa mga pasahero kapag nagkakaroon ng problema sa kanilang flights.
Ayon sa Cebu Pacific, ang mga pasahero na nakaranas ng pagkaantala sa flight operations ay maaaring maka-avail ng two-way travel vouchers para sa mga biyaheng nakansela sa loob ng 72 oras samantalang one-way travel vouchers para sa mga flight na na-delay ng apat hanggang anim na oras.
Nagpapasalamat po tayo sa Cebu Pacific dahil pinapatunayan nito na nakikinig sila sa mga panawagan ng mga pasahero na napag-usapan natin sa naging pagdinig ng Senate Committee on tourism kamakailan.
☻☻☻
Ngayong nabigyang linaw na ang mga isyung ito, ang kailangan namang bigyang pansin ng Cebu Pacific ay ang kanilang mga hotline at customer service.
Lumabas kasi sa ating pagdinig na tila pahirapan makakuha ng sagot ang mga pasahero kapag sinusubukan nilang makipag-ugnayan sa customer service.
Bukod sa hirap ng pakikipag-usap sa mga chatbot, minsan, hindi rin daw nasasagot nang maayos ng mga tao on the ground ang katanungan ng mga pasahero.
☻☻☻
Sa mga hakbang na ito mula sa Cebu Pacific, umaasa po tayo na mas magiging maayos ang lagay ng ating mga pasahero sa paliparan.
Naniniwala din tayo na isa na itong tamang hakbang tungo sa pagbabalik ng tiwala at kumpiyansa ng publiko at sa pagresolba ng mga aberyang nararanasan sa ating mga airline passenger.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay