ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | July 28, 2023
Muling gumawa ng kasaysayan ang mga atletang Pinay matapos maitala ng Philippine women’s national football team ang unang goal at unang panalo ng bansa sa Women's World Cup.
Ang makasaysayang unang goal ay mula sa striker na si Sarina Bolden na nagpakawala ng isang matinding header mula sa pasa ng kanyang kakamping si Sarah Eggesvik, sa 24th minute ng laro kontra New Zealand.
Sa parehong laro rin natin nakuha ang ating unang panalo sa iskor na 1-0.
☻☻☻ Kahit na lamang ang New Zealand pagdating sa time of possession, hindi naman nila nakuhang maka-iskor dahil sa mahusay na depensa ng Philippine team lalo na ng goalkeeper na si Olivia McDaniel.
Nangyari ang panalong ito kahit na nasa ika-46 ranggo ang Pilipinas, mas mababa ng 20 pwesto kumpara sa New Zealand.
Bukod sa unang goal at unang panalo, nagtala rin ang Pilipinas sa kasaysayan dahil sila ang unang debutanteng koponan na nakakuha ng panalo sa torneo.
☻☻☻ Malaking bagay ang pagkapanalo ng Pilipinas kontra sa New Zealand dahil nananatiling bukas ang kanilang pagkakataon na makapasok sa knockout stages ng torneo.
Ang top 2 teams lang kasi sa bawat grupo ang makakapasok sa susunod na stage.
Sunod na kakaharapin ng Pilipinas ang koponan ng Norway sa darating na Linggo.
Ipagpatuloy po natin ang suporta sa ating national team at nawa'y patuloy silang magbigay karangalan sa ating bansa. ☻☻☻ Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay