ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | August 10, 2023
Sa August 24 ay nakatakdang ilunsad ng Department of Foreign Affairs sa China ang pilot implementation ng kauna-unahang e-visa ng bansa.
Sinusuportahan natin ang inisyatibang ito na may potensyal na makatulong sa turismo ng bansa dahil sa pinapadali nito ang proseso ng pagbiyahe patungo sa Pilipinas.
☻☻☻
Ngunit may kalakip din na panganib ang pag-implementa ng e-visa, na inaasahan nating isinasaalang-alang ng DFA at ng mga ahensya nating tumutugon sa national security.
Dahil sa pinadaling proseso ay maaaring lumaganap ang pagpasok ng mga elemento ng transnational organized crime (TOC).
Mas laganap ngayon ang TOC lalo na ang human trafficking at prostitusyon na mula Mainland China.
Gaano ba tayo kasigurado na ang nabibigyan natin ng e-visa ay talagang mga lehitimong turista?
☻☻☻
Kaugnay nito, kinakailangang maglatag din ng epektibong homeland security policies para masigurong hindi pagsasamantalahan ang proseso ng e-visa application.
Maaaring isama sa polisiyang ito na gawing non-negotiable requirement para sa ilang category ang personal appearance bago makakuha ng e-visa.
☻☻☻
Kinikilala natin ang halaga ng e-visa na maaaring magsilbing game-changer upang maparami ang bilang ng mga dumadalaw sa ating bansa.
Ngunit kailangang magpursige tayo nang masiguro na hindi malalagay sa panganib ang mga kababayan natin, at laging maprotektahan ang kapakanan nila.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay