ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | August 31, 2023
Hinihikayat natin ang Inter-Agency Council Against Trafficking na samantalahin ang mga available technology para mapabuti ang profiling system nito kaysa dagdagan ang documentary requirements na magiging pabigat sa mga biyahero.
Kamakailan ay inanunsyo ng IACAT na simula September 3, mag-iimplementa ng mga bagong hakbang sa mga airport upang pigilan ang human trafficking.
Ayon sa bagong guidelines, kailangan na ng mga mangingibang-bansa ng dagdag na travel documents para sa self-funded travel gaya ng confirmed roundtrip ticket, proof of accommodation, financial capacity, purpose of travel, proof of employment, at iba pang katumbas na dokumento.
Para naman sa mga sponsored travel, kailangan ng original PSA-issued birth o marriage certificate, confirmed roundtrip ticket, at notarized copies ng sulat mula sa sponsor, valid work visa/permit, at iba pa.
☻☻☻
Ngunit, may katiyakan ba na makatutulong talaga sa pagpigil ng human trafficking ang mga dagdag na dokumentong ito?
Sa pagsulong ng teknolohiya sa mga airport at ang integration ng immigration watchlist ng iba’t ibang bansa, maaari sana tayong gumamit ng analytics o ‘risk scoring algorithms’ bilang dagdag na safeguard sa pag-assess ng mga high-risk individual base sa kumbinasyon ng mga salik gaya ng travel behavioral pattern na maaaring magbunsod ng dagdag na imbestigasyon.
At dahil inter-agency naman ang konsepto ng international law enforcement sa human trafficking, dapat predictive analytics at facial recognition na ang profiling ng mga biyahero.
Naririyan ang teknolohiya para safe, secured at convenient ang karanasan ng mga pasahero.
Kung kaduda-duda talaga ang background ng biyahero at kasamang biktima — saka dapat mag-cross-checking ang Immigration sa impormasyon na nasa database nila at dokumentong ipinipresenta ng person of interest.
☻☻☻
Kinikilala natin ang pagsisikap ng IACAT na gawin ang trabaho nito at maprotektahan ang mga mamamayan sa banta ng human trafficking.
Ngunit sana’y sa halip na dagdagan ang pasanin ng mga biyahero, mag-invest na lang tayo sa mas maganda at mas updated na sistema na magiging mas epektibo pa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay