ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | September 10, 2023
Ipinagdiriwang natin tuwing Setyembre ng bawat taon ang Philippine Bamboo Month batay sa Proclamation No. 1401 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa proklamasyon na ito, pamumunuan ng Philippine Bamboo Industry Development Council (PBIDC) ang pagdiriwang ng Philippine Bamboo Month at tukuyin ang mga programa, proyekto, at aktibidad para sa taunang pagdiriwang nito.
Sa mga hindi nakakaalam, ang PBIDC ay nilikha noong 2010 sa bisa ng Executive Order No. 879 upang isulong ang pagbuo ng mga produktong kawayan kasama na rin ang pagpapayabong ng access nito sa merkado upang mapanatili at mapalakas ang industriya ng kawayan sa bansa.
Bukod sa PBIDC, hinihimok ang lahat ng iba pang ahensya at instrumentalidad ng pambansang pamahalaan, kabilang ang mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng pamahalaan at mga unibersidad at kolehiyo ng estado na suportahan ang pagdiriwang na ito.
☻☻☻
Napapanahon ang pagdiriwang na ito dahil malaki ang maaaring maging ambag ng kawayan sa paglago ng ating ekonomiya pati na rin sa paglaban sa mga masasamang epekto ng climate change at ang unti-unting pag-ubos ng ating likas na yaman.
Sa isang pagdinig sa Senado, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Regional Director Leah Ocampo na inaasahang tataas sa $88.43 bilyon ang bamboo market value sa taong 2030.
Ito na rin ang isa sa mga dahilan kung bakit kasama ang industriya ng kawayan sa mga right priority industry clusters ng DTI.
Ayon sa tala ng DTI as of 2022, nagtala ang bamboo industry ng P89.2 milyon na investment at P143 milyon naman sa domestic sales.
Nakatulong din ang industriya na ito para makalikha ng 10,898 na trabaho, 5,012 micro, small and medium industries, at 92 community-based enterprises.
Isa ang kawayan sa mga halaman na likas at saganang matatagpuan sa ating bansa.
Marami sa ating mga kalapit bansa ang nauna nang nag-invest sa industriyang ito at napapanahon na para magkaroon din tayo ng isang national program na pagyayabungin ang industriya ng kawayan sa bansa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay