ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | October 29, 2023
Bukas, ika-30 ng Oktubre, gaganapin na ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon sa Comelec, mayroong 93 milyong rehistradong Pilipinong botante ngayong taon.
Inaasahan ang lahat na gagamitin natin ang ating karapatan sa pagboto para pumili ng mga susunod na punong barangay at miyembro ng Sangguniang Barangay pati na ang mga mamumuno ng Sangguniang Kabataan.
☻☻☻
Sa mga hindi nakakaalam, ang Kapitan ng Barangay, o Punong Barangay, ang binibigyan ng tungkulin bilang punong ehekutibong opisyal ng barangay.
Ang mga Kagawad naman ang humahawak sa iba’t ibang tungkulin sa loob ng mga komite ng barangay.
Sila ang tumutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng komunidad at sinisiguro na lahat ng boses at hinaing sa barangay ay naririnig.
Sa kabilang banda, ang SK Chairperson naman ang kakatawan at magiging boses ng mga kabataan sa barangay.
Inaasahang sila ang magiging tulay sa pagitan ng pamunuan ng barangay at mga mas nakababatang miyembro ng komunidad.
☻☻☻
Bagama’t pinakamaliit na political unit ang barangay, lubhang malaki pa rin ang ginagampanang papel ng mga namumuno rito.
Sa pagsasabatas ng Local Government Code at Urban Development and Housing Act noong 1992, lalong pinagtibay ang barangay bilang isang matatag na pundasyon ng lokal na pamamahala.
Kaya naman mahalagang makilahok sa botohan at pumili ng karapat-dapat sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections 2023.
☻☻☻
Patuloy pa rin po tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay