ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | November 19, 2023
Tuwing Nobyembre 19-25 ay ginugunita natin ang Global Warming and Climate Change Consciousness Week para bigyang pansin ang matinding epekto ng climate change sa mundo.
Ang climate change ay ang long-term na pagpapalit ng temperatura at weather pattern.
Ito ay dulot ng epekto ng mga pagkasira ng kalikasan at matinding industriyalisasyon na makikita sa mga mayayamang bansa na gumagamit ng fossil fuels gaya ng uling, langis at gas.
☻☻☻
Masasabi natin na ilan sa mga nagdaang mga bagyo na nagdulot ng matinding pinsala sa bansa ay epekto ng climate change.
Bukod dito, nagdudulot din ang climate change ng matinding tagtuyot at matinding init ng temperatura.
Kaya naman ang isyu ng climate change ay dapat seryosohin at huwag balewalain dahil malaki ang maaaring maging pinsala na idudulot nito sa mamamayan kapag hindi ito nabigyan ng tamang katugunan at pag-iingat.
☻☻☻
Hindi na bago ang usapin ng climate change at mainit na paksa ito sa mga pandaigdigang pulong at pagtitipon.
Katunayan, isa ang Pilipinas sa mga bansang signatory sa Kyoto Protocol na naglalayong pababain ang produksyon ng carbon dioxide at iba pang critical greenhouse gases.
Ang nakakalungkot lang dito, kahit na pinag-uusapan, tila hindi sapat ang mga hakbang na ginagawa ng ilang mga bansa para maibsan kahit papaano ang pinangangambahang masamang epekto nito sa mundo.
Kaya naman hinihimok ko ang lahat na makipagtulungan sa mga hakbang at programa ng pamahalaan para maibsan ang epektong dulot ng climate change at mahadlangan ang mga peligro na posibleng harapin ng ating bansa.
☻☻☻
Patuloy pa rin tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Be Safe. Be Well.
Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay