ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | January 25, 2024
Nitong Martes, naglabas ng manifesto ang Mataas na Kapulungan na pinirmahan naming 24 senador para tutulan at kondenahin ang People’s Initiative bilang paraan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sa aming sesyon nang araw na iyon, binasa ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang aming manifesto na tumututol sa People’s Initiative.
Nauna na naming pinagpulungan kasama ng aking mga kapwa senador ang mga hakbang patungkol sa Charter Change o Cha-cha.
Bagama’t iginagalang at kinikilala ng Senado ang karapatan ng taumbayan na manawagan para sa pag-amyenda ng Konstitusyon, nakakabahala ang pagsasagawa ng Cha-cha nang walang pagsang-ayon ng Senado sa paraan ng People’s Initiative.
☻☻☻
Upang mas maging mabilis ang Charter Change, balak iitsapuwera o balewalain ang Senado kaya isinusulong ng mga nasa likod ng People’s Initiative ang “voting jointly” ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ay malinaw na panimula para sa mas malawak na pag-amyenda sa Konstitusyon o pag-overhaul na ng Saligang Batas.
Kapag pinayagan ang “joint voting” wawasakin nito ang prinsipyo ng bicameralism at mawawala ang sistema ng “check and balance.”
Ito ay dahil mawawala ang kapangyarihan ng Senado na harangin o pigilan ang mga radikal na panukala at hindi na mapoprotektahan ang mga lupain laban sa foreign ownership, hindi na mapipigilan ang pagtanggal ng term limits o no elections scenario sa 2025 o mas malala pa no election scenario sa 2028.
☻☻☻
Ayon sa kasaysayan, ang Senado ang palaging unang target ng mga naglalayong pahinain ang demokrasya.
Ang People’s Initiative ay lantarang pagtatangka na labagin ang Konstitusyon ng bansa.
Hinding-hindi tayo papayag na patahimikin ang Senado at patuloy tayong maninindigan bilang huling balwarte ng demokrasya.
☻☻☻
Patuloy pa rin tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Be Safe.
Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay